Target ng gobyerno na mapababa ang antas ng mahihirap, malabong makamit dahil sa Covid Pandemic
Malabo pang maabot ng gobyerno ang target na mapababa pa ang antas ng mga mahihirap na mga Filipino.
Katunayan, sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) USEC. Karl Kendric Chua na sa halip na bumaba, inaasahan ng gobyerno na tataas pa ang Poverty incident sa susunod na taon dahil sa epekto ng Covid-19 Pandemic.
Sa datos ng NEDA hanggang nooong 2018, umaabot sa 16. 7 percent o katumbas ng halos 7 milyong pamilya ng mga Filipino ang mahihirap.
Pero inaasahang papalo ito sa 15 hanggang 17 percent sa susunod na taon dahil mas maraming Filipino lalo na sa urban areas ang nawalan ng trabaho at kabuhayan.
Kuwestyon tuloy ng mga Senador, bakit tinapyasan ng Gobyerno ang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, halos kalahati o 53 percent ang natapyas sa budget ng DSWD ngayong taon.
Paliwanag ni Gatchalian, paano nito matutulungan lalo na ang mga mahihirap na pamilya gayong ang DSWD ang nagbibigay tulong pinansyal at livelihood program gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).
Pero depensa ng Department of Budget and Management (DBM), may inilaanang pondo ang Gobyerno sa DSWD sa ilalim ng 4P’s.
Mananatili aniya ang pondo para dito na layong tulungan ang mga pinaka- mahihirap na pamilyang Filipino.
Paglilinaw naman ni Chua, pansamantala lamang ang nararasanang poverty incident na inaasahan nilang bababa na oras na mag-full blast muli ang ekonomiya.
Marami kasi aniyang negosyo ang nananatiling sarado habang ang iba ay hanggang 50 percent lamang ang operasyon dahil sa mga ipinatutupad na health protocols.
Katunayan, sinabi ni Chua na bumaba na sa 10% ang bilang ng unemployment rate noong Hulyo, mas mababa na kumpara sa 17 percent noong Mayo kung kailan may umiiral na lockdown.
Meanne Corvera