Target ng Pilipinas na makapagbakuna ng isang milyong katao kada araw, nalampasan na
Inanunsyo ng Malacañang ang isang malaking tagumpay nitong Biyernes, matapos malampasan ng Pilipinas ang target nito na mabakunahan ang isang milyong katao sa isang araw.
Ito ay makaraang makapagbakuna ang bansa ng kabuuang 1,119,389 na mga indibidwal noong November 4, nang simulan na ng gobyerno na bakunahan ang mga nasa edad 12 at pataas.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque . . . “Good news pa rin po. Lumampas na tayo sa isang milyon na nabakunahan sa isang araw. Ito ay nangyari po kahapon, a-kuwatro ng Nobyembre. Umabot sa 1,119,389 po ang nabakunahan kahapon lamang.”
Binanggit din niya na halos isang milyong Filipino rin ang nabakunahan dalawang araw bago ang Nov. 4, at pinuri ang local government units, vaccinators at ang publiko na nakapagpabakuna na laban sa COVID-19.
Noong Miyerkoles, Nov. 3, ang Pilipinas ay nakapagbakuna ng 948,521 mga indibidwal, habang noong Nov. 2, Martes ay 932,762 ang nabakunahan.
Ayon kay Roque . . . “Kung patuloy po na ganito na halos one million a day ang nababakunahan, maaabot po natin talaga iyong target natin na population protection sa Disyembre. Keep up the good work, Philippines.”
Target ng gobyerno na maging fully vaccinated na ang hindi bababa sa 50% ng target population ng bansa sa pagtatapos ng taon, upang ma-achieve ang population protection.
Higit 62.4 million ang kabuuang bakuna na naiturok noong November 4, base sa datos mula sa National COVID-19 Vaccination Dashboard.
Batay din sa katulad na datos, 37.23% o higit 28.7 million individuals sa buong bansa ang ngayon ay fully vaccinated na.
Sa Metro Manila o National Capital Region (NCR), 97.45% o higit 9.5 million individuals ang nakatanggap na ng first dose ng Covid vaccine.
Ang mga fully vaccinated naman sa NCR ay umabot na sa 88.86% o higit 8.6 na milyong katao.
Kahapon ay ibinaba na ang Metro Manila sa Alert Level 2 makalipas ang 2 araw na wala nang 2,000 ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Gayunman, nagbago ito kahapon, Biyernes nang makapagtala ang Department of Health ng 2,376 mga bagong kaso.