Task Force Against Corruption wala pang natatanggap na reklamo ng kurapsyon laban sa DOH ukol sa COVID-19 expenditures
Umaabot sa 220 reklamo ng katiwalian sa gobyerno ang natatanggap na ng Task Force Against Corruption (TFAC).
Ayon sa tagapanguna ng task force na si Justice Sec. Menardo Guevarra, naisumite na nila kay Pangulong Rodrigo Duterte noong June 9 ang kanilang midyear report.
Aniya ang iba’t- ibang LGUs ang may pinakaraming corruption complaints at sumunod ang DPWH.
Sinabi ni Guevarra na karamihan sa mga reklamo ay ukol sa mga maanomalyang transaksyon na sinasabing kinasasangkutan ng LGU at DPWH district engineering offices.
Ang iba pang ahensya na may maraming bilang ng reklamo ng kurapsyon ay ang Land Registration Authority (LRA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bureau of Customs (BOC), at iba’t ibang GOCCs.
Mula sa mahigit 200 reklamo, hindi bababa sa 15 kaso ang inendorso na ng task force sa Office of the Ombudsman habang may 15 iba pang ini-refer sa NBI para sa case build-up at criminal investigation.
Samantala, inihayag ni Guevarra na maliban sa isyu ukol sa Dengvaxia at PhilHealth ay wala pang natatanggap ang task force ng reklamo ng kurapsyon laban sa Department of Health (DOH) ukol sa mga pinaglaaanan ng pondo kaugnay sa COVID-19 response.
Una nang tinukoy ni Sen. Manny Pacquiao ang DOH na isa sa mga tiwaling ahensya bilang tugon sa hamon sa kanya ni Pangulong Duterte na pangalanan ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na sangkot sa kurapsyon.
Kinuwestiyon ni Pacquiao ang mga pinuntahan ng mga inutang na pondo ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya.
Kabilang na rito ang mga ginasta sa pagbili ng anti-COVID vaccines, rapid test kits, at personal protective equipment (PPEs).
Moira Encina