Task force Bangon Marawi binuo na ni Pangulong Duterte
Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang pinuno ng Task Force Bangon Marawi para sa gagawing rehabilitasyon ng lungsod.
Sa Mindanao hour sa Malakanyang sinabi ni Lorenzana na nagkaroon na ng workshop kung papaano ibabangon ang Marawi City na sinira ng giyera ng tropa ng pamahalaan at teroristang Maute group.
Ayon kay Lorenzana inumpisahan na rin ang assessment sa damage na nilikha ng digmaan sa Marawi City.
Inihayag ni Lorenzana bagaman puwede ng bumalik ang ilang residente hindi pa nila ito inirerekomenda dahil kailangan pang i clear ang mga area na posibleng tinaniman ng mga terorista ng Improvised Explosive Device o IED.
Niliwanag ni Lorenzana na pangungunahan ng military engineering brigade ang reconstruction ng mga gusaling winasak ng bakbakan.
Idinagdag ni Lorenzana na tutulungan din ng military engineering brigade na makumpuni ng mga residente ang mga nasirang tahanan.
Samantala isa sa agenda ng ipinatawag na cabinet meeting ni Pangulong Duterte sa Malakanyang ang ukol sa rehabilitation ng Marawi City.
Ulat ni: Vic Somintac