Task Force Philhealth, hawak na ang kopya ng PACC kaugnay sa alegasyon ng katiwalian sa ahensya
Natanggap na Task Force PhilHealth ang mga ulat ng Presidential Anti- Corruption Commission (PACC) kaugnay sa mga sinasabing anomalya at kurapsyon sa Philhealth.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hawak na rin ng task force ang report ng Governance Commission for GOCCs o GCG.
Maging ang Senado anya ay ibinahagi sa Task Force ang initial findings nito sa mga isyu sa Philhealth.
Ayon kay Guevarra, gagamitin nila ang mga nasabing ulat bilang leads o building blocks para sa pagsasampa ng kaso o bilang batayan sa isusumiteng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga maaaring rekomendasyon anya ng inter-agency task force ay ang posibleng reorganisasyon sa Philhealth.
Ang
DOJ ang lead agency sa task force na binubuo ng Office of the
Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission at Office of
the President.
Tutulong din sa imbestigasyon ang PACC, NBI at Anti- Money Laundering Council.
Mayroon ang Task Force na 30 araw mula nang ito ay mabuo para magsumite ng inisyal na imbestigasyon at rekomendasyon sa Presidente.
Ulat ni Moira Encina