Task Force PhilHealth kinuwestyon ang mababang bilang at mabagal na pagsasampa ng kaso ng Legal Sector ng ahensya
Naungkat sa imbestigasyon ng Task Force PhilHealth ang mababang bilang at mabagal na pagsasampa ng kaso ng Legal Sector ng PhilHealth laban sa mga nagkakasalang empleyado ng ahensya at mga Healthcare institutions o HCI.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesperson Markk Perete, nabatid sa isinagawang pagdinig ng Task Force na libu-libong kaso laban sa mga tiwaling PhilHealth employees at HCIs ang hindi pa rin naisasampa ng Legal Sector.
Anya kinumpirma ng nagbitiw na si Senior Vice President for the Legal Sector Atty. Rodolfo Del Rosario, Jr. na 70 kaso pa lang ang naproseso at 50 lang ang nagkaroon ng resulta at pormal na nakasuhan.
Ito ay kahit umaabot sa libo ang mga administrative cases laban sa mga kawani ng PhilHealth na sinasabing kinakasangkutan ng 2.1 billion pesos na halaga.
Inihayag din ni Del Rosario sa pagdinig na nasa 1,700 ang mga kaso na kinasasangkutan ng HCIs.
Kabuuang 1,003 anya ang narebyu at na-endorso ng Legal Sector para sa pagsasampa ng kasong kriminal ng regional offices.
Pero inamin ni Del Rosario na labing-isa pa lang ang pormal na naisampa.
Tinataya naman na 4.7 billion pesos ang nawala bunsod ng mga pekeng claims ng mga HCIs.
Nang pagpapaliwanagin ukol sa performance ng Legal Sector, sinabi ni Del Rosario na ang polisiya nila ay paboran ang settlement kaysa sa prosekusyon ng mga kaso.
Limitado rin anya ang resources ng regional offices kaya hindi agad nasasampahan ng kaso ang mga HCIs.
Sinabi ni Perete na una nang binigyan ng zero rating ang PhilHealth Legal Sector ng Governance Commission for Government-Owned and -Controlled Corporations o GCG noong 2017 at 2018 dahil sa mga delay sa pagsasampa ng kaso.
-Moira Encina