Task Force PhilHealth posibleng bumuo pa ng karagdagang Composite Teams na mag-iimbestiga sa iba pang anomalya sa ahensya
Maaaring lumikha pa ng mas maraming composite teams ang Task Force PhilHealth para imbestigahan ang iba pang anomalya sa korporasyon.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sa ngayon ay mayroong dalawang composite teams sa task force.
Ang mga ito ay para sa imbestigasyon sa IT at sa legal sectors ng PhilHealth.
Pag-uusapan pa anya ng task force kung ilan pang composite teams ang bubuuin at kung ano ang magiging target ng kanilang imbestigasyon.
Samantala, bibigyan ng tatlumpung araw ng task force ang IT at Legal sector teams para tapusin ang kanilang imbestigasyon
Kung may makalap na sapat na ebidensya ang mga ito ay ihahanda ng Task Force PhilHealth ang mga kaukulang reklamong isasampa.
Magsisimula anya ang imbestigasyon ng dalawang composite teams sa oras na pormal na makapanumpa sa pwesto si bagong PhilHealth President Dante Gierran.
Ang IT Sector composite team ay binubuo ng DOJ, NBI, PACC at OSAP o Office of the Special Assistant to the President.
Habang ang Legal Sector composite team ay binubuo ng DOJ, NBI, PACC at Anti Money Laundering Council.
May koordinasyon ang parehong teams sa Commission On Audit.
Una nang isinumite noong Lunes ng Task Force Philhealth ang rekomendasyon at resulta ng inisyal na imbestigasyon nito sa kurapsyon sa PhilHealth.
Moira Encina