Task Force Sabungero tututok sa pagtugis sa anim na suspek
Muling nagpulong nitong Lunes ng umaga ang mga opisyal ng DOJ, PNP, at NBI at ang pamilya ng mga missing sabungero.
Ayon kay PNP- CIDG Director Brigadier General Romeo Caramat, inilahad niya sa case conference sa DOJ kung ano ang kanilang magiging approach para tuluyang maresolba ang kaso.
Pangunahin aniya na pagtutuunan ng Task Force Sabungero ay ang manhunt sa anim na suspek na una nang kinasuhan sa korte at naisyuhan ng arrest warrant dahil susi ito para matukoy ang mastermind.
Naniniwala si Caramat na konektado o iisa lang ang mga utak ng lahat ng mga kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kinumpirma rin ng opisyal na may ideya na sila kung sino ang mastermind sa mga kaso.
Pero tumanggi muna si Caramat na tukuyin ang mga pagkakakilanlan ng mga ito.
Patuloy aniya na kumakalap ang mga otoridad ng mga ebidensya upang matiyak na malakas ang magiging kaso sa mga may kinalaman sa pagdukot at pagkawala ng mga biktima.
Una nang naaresto ang tatlong pulis na dawit sa pagdukot ng e-sabong master agent na si Ricardo Lasco.
Batay aniya sa intelligence report ay nasa bansa pa ang mga suspek.
Inihayag naman ng isa sa mga testigo at ama ng isang nawawalang sabungero na si Butch Inonog na ang anim na suspek na hinahanap ay ang mga umano’y security ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Ang anim ay isinasangkot sa pagkawala ng anim na sabungero sa Tanay, Rizal.
Masaya at kuntento naman ang kaanak ng mga biktima dahil talagang umuusad na ang kaso.
Moira Encina