Tatlo arestado, P136-M halaga ng shabu nasamsam sa Cavite
Tatlong suspek ang inaresto ng mga awtoridad at kinumpiska ang P136 milyong halaga ng shabu sa Cavite.
Sa kanilang report, sinabi ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) na ang mga suspek na sina Gabriel Ambulo, 29; Roman Hosias Ambulo, 25; at Abdurrahim Ambulo, 41, ay naaresto sa isinagawang buy-bust sa Molino Blvd, Mambog IV, Bacoor, Cavite City.
Nakuha mula sa mga suspek ang 20 kilo ng hinihinalang shabu, boodle money, isang Honda Civic na may plakang ZDJ 368, at iba’t-ibang identification cards at mga dokumento.
Samantala, nakatakas naman ang dalawang suspek na nakilalang sina Saddam Hadji Gaffor at Nabil Madarang.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang mga nasamsam na ebidensiya ay dadalhin sa PDEG Special Operations Unit – National Capital Region (SOU NCR) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City para sa dokumentasyon.
Ayon sa PDEG, ang mga suspek ay kabilang sa pinanggagalingan ng shabu na nakalista sa ilalim ni Coplan Rangar, na lantarang namamahagi ng ilegal na droga sa mga lugar sa NCR, Cavite at mga kalapit na siyudad at munisipalidad.