Tatlo katao kabilang ang isang mag-ama, namatay habang nagha-hiking sa western US dahil sa heat wave
Tatlo katao kabilang ang isang ama at anak niyang babae ang namatay habang nagha-hiking sa western US state ng Utah, ayon sa US National Park Service officials.
Sinabi ng mga lokal na awtoridad, na dalawa sa mga biktima, isang 52-anyos na lalaki at 23-anyos niyang anak na babae, ang namatay noong Biyernes sa Canyonlands National Park nang sila ay maligaw at maubusan ng tubig.
Ang temperatura ng mga panahong iyon ay mahigit sa 100 degrees Fahrenheit (37.8 degrees Celsius), at nang dumating ang emergency medical personnel sa kinaroroonan ng mag-ama, ay kapwa patay na ang mga ito.
Noon namang Sabado, isang 30-anyos na babae na nagha-hiking din ang natagpuang patay sa Snow Canyon Park, batay sa ulat ng lokal na pulisya, kasabay ng babala sa publiko tungkol sa panganib ng dehydration.
Ang tatlo ang pinakabagong mga biktima ng isang heat wave na nagsimula dalawang linggo na ang nakalilipas sa western United States, na nagsimula na ring maranasan sa silangan.
Nitong Lunes, nag-ulat ang National Weather Service na 150 milyong katao ang nasa ilalim ng warnings para sa extreme heat.
Naitala ng Las Vegas, Nevada, ang kanilang all-time record temperature noong July 7, ng ang temperatura ay umabot sa 120 degrees Fahrenheit (48.9 degrees Celsius).
Ang heat wave ay dumating pagkatapos ng naitalang pinakamainit na Hunyo, ayon sa Copernicus Climate Change Service ng European Union.
Ang pabalik-balik na heat waves ay tanda ng climate change na dulot ng paggamit ng mga tao ng fossil fuels, ayon sa mga siyentipiko.