Tatlo katao patay, apat sugatan nang mahulog sa bangin ang isang sasakyan sa Benguet
Tatlo ang namatay at apat na iba pa ang nasugatan, matapos mahulog sa malalim na bangin ang isang mini van, sa Timbac Pacso, Kabayan, Benguet.
Nakilala ang mga namatay na sina Gerald Tauli Dulagan, 23-anyos at driver ng mini van; Andrew Dulagan Tambuling, 51-anyos; at Charlie Bagsawan Dulagan, 22-anyos, pawang mga residente ng Cattubo, Atok, Benguet.
Ang mga nasugatan ay nakilalang sina Jerry Tauli Dulagan, 21-anyos; Honor Dulagan, 41-anyos; Amos Bagsawan Dulagan, 25-anyos at Jeffrey Dulagan, 20-anyos.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Kabayan PNP, galing ang mga biktima sa Atok, Benguet at papunta sana sa Kabayan nang biglang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver, sa pababang bahagi ng kalsada sa Kabayan.
Kasunod nito ay nagpa-ekis ekis na ang takbo ng sasakyan matapos mawalan ng preno, hanggang sa tuluyang bumaligtad at diretso nang bumulusok sa halos isandaang metrong lalim ng bangin.
Mabilis namang nakaresponde ang rescuers sa pangunguna ng Kabayan Municipal Police Station, Kabayan BFP at ilang concerned citizens, para tulungang maiahon ang mga biktima, gamit ang lubid at rescue equipments.
Agad na dinala sa Atok District Hospital ang mga biktima, ngunit idineklarang dead on arrival sina Andrew at Charlie na nagtamo ng matinding pinsala at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang mga awtoridad na bago bumiyahe ay i-check ang makina ng sasakyan laluna ang preno nito, at mag-ingat sa pagmamaneho para iwas disgrasya sa mga kalsada.
Freddie Rulloda