Bilang ng mga patay sa riot sa Bilibid, umakyat na sa apat (Updated)
Nadagdagan ng isa ang mga namatay sa panibagong riot sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesperson Emmeline Aglipay-Villar, apat na ang inmate na kumpirmadong nasawi dahil sa kaguluhan sa Maximum Security Compound noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga namatay na bilanggo na sina Ace P. Pempena, Calvin D. Tan, Edgar P. Publico, at Jonathan G. Rodriguez.
Ang panibagong karahasan ay kinasasangkutan muli ng Commando at Sputnik gangs.
Una na ring nagkaroon ng riot sa pagitan ng nasabing mga grupo noong nakaraang Oktubre kung saan siyam ang namatay na bilanggo.
Naganap ang karahasan sa pagitan ng mga nasabing grupo bandang alas-8:39 ng umaga kahapon,
Kahapon, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsagawa na ng clearing operations sa lugar ang Bureau of Corrections Security Force, PNP SAF, at PNP- NCRPO SWAT.
Inatasan na din ni Guevarra ang BuCor na agad magsumite ng detalyadong sa nangyaring karahasan.
Inihayag ng kalihim na maglalabas siya ng kautusan sa NBI para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa panibagong insidente o kaya ay palawigin ang ongoing probe nito sa naunang riot sa kulungan noong Oktubre.
Sa ulat ng BuCor, kasama sa mga nagtamo ng minor injuries ang ilang miyembro ng Operating Team na agad rumesponde sa insidente.
Samantala, inilagay din sa red alert status ang lahat ng penal colonies ng BuCor.
Tiniyak ng pamunuan ng Bucor na papatawan ng disiplina ang lahat ng mga dawit sa riot.
Noong nakaraang buwan ay sumiklab din ang kaguluhan sa Bilibid sa pagitan ng Commando at Sputnik gangs na ikinamatay ng siyam na inmates at ikinasugat ng pitong iba pang bilanggo.
Moira Encina