Tatlong ahensya ng Gobyerno na talamak ang katiwalian, pinangalanan ng Presidential Anti-Corruption Commission
Tatlong ahensiya ng gobyerno tinukoy ng Presidential Anti Corruption Commission o PACC na nangunguna sa mga may reklamo ng katiwalian at korapsyon.
Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na nangunguna ang Bureau of Customs o BOC pangalawa ang Bureau of Internal Revenue o BIR at pangatlo ang Department of Public Works and Highways o DPWH.
Sa mga opisyal naman ng gobyerno na nakasuhan, napasuspinde at napaaresto ng PACC ay mula secretary, undersecretary, director, district engineer, at maging mga prosecutor.
Tumanggi naman si Belgica na pangalanan ang mga ito habang naka pending pa ang mga kasong kriminal sa Ombudsman.
Binigyang diin ni Belgica na maging ang ilang mga opisyal ng gobyerno na malalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi ligtas sa kanilang imbestigasyon para mapanagot sa batas.
Iginiit ni Belgica na hindi dahilan ang pagiging malapit ng mga ito sa Pangulo para malibre sa imbestigasyon kung merong nagreklamo ng katiwalian laban sa sinumang opisyal ng gobyerno.
Ulat ni Vic Somintac