Tatlong araw na hard General Community Quarantine, ipinatupad sa Santiago City, Isabela
Isinailalim na sa hard General Community Quarantine (GCQ), ang Santiago City sa Isabela.
Sa bisa ito ng nilagdaang Executive Order No. 2021-03-06 ni Mayor Joseph Tan, na magkakabisa ngayong Lunes, March 29 hanggang March 31, Miyerkoles.
Sa ilalim ng naturang kautusan, tanging essential travelers lamang ang pinapayagan na lumabas at pumasok sa lungsod. Mayroon pa ring pampublikong transportasyon nguinit tanging essential travels lang din ang papayagan.
Kabilang dito ang mga pumapasok sa trabaho, emergency health services, magtutungo sa doctor para magpa-check up, at mga bibili ng basic o essential needs.
Sa ilalaim din ng utos ay bawal ang dine-in sa lahat ng uri ng mga kainan sa lungsod, ngunit maaari naman ang take-out at delivery services.
Hinikayat din ang publiko na iwasan ang mga aktibidad na magiging sanhi para magkaroon ng mass gathering.
Ang mga pribadong establisyimento naman ay kinakailangang magsagawa ng aternative working arrangement.
Sa mga lamayan ay ipinagbabawal ang pagsisilbi ng pagkain at inumin. Ang burol na hindi COVID-19 related ang ikinamatay, ay binibigyan ng hanggang apat na araw na lamay. Bawal pa rin ang band services at pagsusugal.
Mananatili namang bukas ang essential at non essential services/industries, kailangan lamang tiyakin na nasusunod ang basic health protocol.
Ipinagbabawal pa ring lumabas ang nasa edad 17-65, gayundin ang may mga karamdaman at mga buntis.
Mananatili ang curfew mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw, habang pansamantalang tigil ang operasyon ng driving schools, sinehan, mga palaruan o arcade, library, museum, cultural centers at cockpit.
Sasampahan ng kasong administratibo ang mga opisyal na lalabag sa mga panuntunan, habang community service naman ang magiging parusa sa mga residente.
Samantala, umabot na sa higit isang libo ang kabuuan ng kumpirmadong kaso sa Santiago City.
Sa latest update ng LGU Santiago, mayroon nang 1,642 na naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Santiago City, 1,495 rito ang mga gumaling, habang 26 na ang mga nasawi.
Ulat ni Kimuel Cruz