Tatlong attached agencies ng DOJ na may bahid ng kurapsiyon, tututukan ni bagong SOJ Remulla
Tiniyak ni bagong Justice Secretary Crispin Remulla na kaniyang lilinisin ang mga attached agencies ng DOJ mula sa kurapsyon at sindikato.
Ito ang inihayag ni Remulla sa mga opisyal at empleyado ng DOJ sa kaniyang unang pagdalo sa flag ceremony ng departamento bilang kalihim.
Sinabi ni Remulla na tatlong ahensya na may bahid ng katiwalian ang pangunahin niyang tututukan.
Ang mga ito ay ang Land Registration Authority, Bureau of Immigration, at Bureau of Corrections.
Aniya kinakailangan ng tulong at pagsasaayos ng mga nabanggit na attached agencies.
Ayon kay Remulla, may sindikato sa loob ng LRA base sa nakarating sa kaniyang impormasyon at kinakailangan ito na mabuwag para hindi makamkam ang lupain ng mamamayan.
Maging sa BI aniya ay may sindikato na sangkot sa human trafficking, extortion at iba pang iligal na aktibidad.
Sa BuCor naman aniya ay nagpapatuloy pa rin ang mga gawain na nakasisira sa sistema.
Inamin ni Remulla na totoong napakabigat ang hamon na ibinigay sa kaniya bilang DOJ secretary.
Itatrato aniya ito bilang marathon kaya magiging puno ng aksiyon ang anim na taon niya sa DOJ.
Siniguro ng kalihim na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya at magiging committed sa mandato at responsibilidad sa kagawaran.
Moira Encina