Tatlong e-payment streams, ilulunsad ng BSP at PPMI
Maglulunsad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Payments Management, Inc., (PPMI) ng tatlong e-payment streams.
Parte ito ng pagsusulong ng BSP sa malawakang paggamit ng digital payments sa bansa sa susunod na dalawang taon.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, ilulunsad ng central bank at PPMI ang Bills Pay, Request to Pay, at Direct Debit facilities.
Sa Bills Pay, makakapagbayad ang mga konsyumer ng kanilang kuryente, tubig, at telephone bills kahit ang accounts ng customer at ng biller ay magkaibang bangko.
Layon naman ng Request to Pay na ma-empower ang payees na mag-initiate ng koleksyon sa pamamagitan ng pagpapadala ng “request to pay” sa payor nang hindi kailangang ibigay ang detalye ng account o halaga.
Kinakailangan lang na iotorisa ng payor ang collection instruction mula sa payee.
Pinapahintulutan naman ng Direct Debit ang mga customers na mas maiayos ang management ng recurring payments gaya ng monthly rentals, amortizations, at insurance sa pamamagitan ng pag-otorisa sa billers na kunin ang bayad o pondo mula sa payors.
Moira Encina