Tatlong karagdagang Dengvaxia cases, isinampa ng PAO sa DOJ
Nadagdagan pa ang bilang ng Dengvaxia case na isinampa ng Public Attorneys Office sa DOJ.
Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, tatlong panibagong reklamong kriminal ang inihain nila laban sa mga kasalukuyan at dating opisyal ng DOH, Sanofi Pasteur at Zuellig Pharma.
Dahil dito, aabot na sa 15 ang kaso na inihain ng PAO kaugnay sa pagkamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia.
Mga reklamong Reckless Imprudence Resulting In Homicide at mga paglabag sa Anti-Torture Act at Consumer Protection Act ang isinampa laban sa mga respondents.
Ang tatlong panibagong kaso ay inihain ng pamilya nina Christine Mae De Guzman, Erico Leabres at Clarissa Alcantara na mga nasawi matapos maturukan ng Dengvaxia.
Inihayag ni Acosta na gaya ng mga ibang biktima, nakaranas ng parehong sintomas ang tatlo gaya ng pananakit ng ulo, tyan at pagsusuka matapos mabakunahan.
Lumabas din sa autopsy sa labi ng mga biktima na nagkaroon din ang mga ito ng pagdurugo at pamamaga ng utak at iba pang organs.
Sinabi ni Acosta na umaabot na sa 81 biktima ang naisailalim sa pagsusuri ng mga PAO Forensic doctors.
May siyam na kaso pa anyang ihahain ang PAO sa DOJ sa susunod na pagkakataon.
Samantala, itinuloy ng DOJ panel of prosecutors ang preliminary investigation sa mga naunang Dengvaxia cases na isinampa ng PAO at pamilya ng mga batang nabakunahan ng anti-dengue vaccine.
Nagsumite ang mga respondents ng kanilang rejoinder affidavit. Itinakda naman ang susunod na pagdinig sa October 1 bago ideklarang submitted for resolution ang kaso.
Ulat ni Moira Encina