Tatlong kawani ng Court of Appeals, sinibak dahil sa paggamit ng shabu
Inalis sa serbisyo ng Korte Suprema ang tatlong empleyado ng Court of Appeals dahil sa paggamit ng shabu.
Sa desisyon ng Supreme Court, nakitaan nito ng administratibong pananagutan ang mga kawani dahil sa reklamong paggamit ng iligal na droga sa ilalim ng Rules of Court.
Kinilala ang mga sinibak na sina Garry Caliwan, Edmundo Malit, at Frederick Mauricio na nagpositibo sa shabu sa random drug test ng CA noong 2022.
Matapos ang imbestigasyon, isinumite ng appellate court sa Judicial Integrity Board (JIB) ang case records.
Inirekomenda naman ng JIB sa SC en banc na matanggal sa puwesto ang tatlo.
Ayon sa SC, dahil sa maagang nagretiro si Mauricio ay iniutos na bawiin ang retirement benefits at madiskuwalipika ito sa lahat ng posisyon sa pamahalaan.
Sa ilalim ng panuntunan para sa drug- free policy sa hudikatura, lahat ng kawani ng mga korte ay kailangan na sumailalim sa random drug test.
Moira Encina