Tatlong korporasyon at negosyante sa Maynila, sinampahan ng tax evasion case sa DOJ dahil sa hindi pagbabayad ng buwis
Kabuuang 68.8 million pesos ang hinahabol na buwis ng BIR sa tatlong korporasyon at negosyante sa Maynila na kinasuhan ng Tax evasion case sa DOJ.
Mga reklamong Willful Failure to Pay Taxes and Willful Failure to File Returns ang isinampa ng BIR laban sa Elite Garments International, Jayran International Sales Corporation at negosyanteng si Ma. Leila Cruz Tiambeng na may-ari ng Bestline Mart.
Umaabot sa mahigit 43.5 million pesos ang Tax liability para sa taong 2014 ni Tiambeng ng Bestline Mart na may address sa Quiapo, Maynila.
Nasa 19.5 million pesos naman ang utang sa buwis para sa taong 2014 ng Elite garments sa Malate, Maynila.
Mahigit 5.75 million pesos naman ang Tax deficiency ng Jayran International sales sa San Nicolas, Maynila para sa taxable year 2014.
Ang kaso laban sa tatlo ang ika- 500 hanggang sa 502 ng BIR sa Run after Tax Evaders program nito sa ilalim ng pamahalaang Duterte.
Ulat ni Moira Encina