Tatlong kumpanya sa Q.C at Pasig ipinagharap ng BIR ng tax evasion case sa DOJ dahil sa mahigit ₱205M pesos na di nabayarang buwis
Tatlong kumpanya sa Lungsod ng Quezon at Pasig ang sinampahan ng BIR sa DOJ ng reklamong tax evasion dahil sa utang sa buwis na aabot sa mahigit 205 million pesos.
Ang mga ito ay ang Emerald Sales Center Corporation, IRA General Security Services Incorporated na parehong nakabase sa Quezon City at Owtel Inc.na nasa Pasig City.
Pinakamalaki sa hinahabol na tax liability ng BIR ay sa Owtel na nasa Telecom at Internet Service business na umaabot sa 158.55 million pesos para sa bigong nabayarang buwis noong 2008.
Kabuuang 34.34 million pesos naman ang utang sa buwis noong 2009 ngIRA General at 12.21 million pesos naman ang tax deficiency ng Emerald noong 2006.
Kasama sa sinampahan ng BIR ng paglabag sa tax code ang mga opisyal ng tatlong kumpanya.
Ulat ni: Moira Encina