Tatlong lalaki sa Dumaguete City, arestado ng NBI dahil sa sinasabing iligal na transportasyon ng mga mineral
Dinakip ng mga tauhan ng NBI-Dumaguete District Office ang tatlong lalaki dahil sa sinasabing iligal na transportasyon ng mga mineral.
Tinukoy ang mga inarestong indibidwal na sina John P. Callao, Randy L. Mapa, at Joseph L. Callao.
Ayon sa NBI, nagpapatrolya ang mga operatiba nito sa Brgy. Candauai, Dumaguete City nang makita ang dalawang chariot cargo vehicles na may lulan na buhangin at graba.
Tinatayang 10 cubic meters ng mineral na nagkakahalaga ng Php20,000 ang ibinibiyahe ng mga suspek.
Nang inspeksyunin ng mga taga-NBI ang delivery receipts ng sasakyan ay nabatid na expired na ito noong Marso.
Alinsunod sa polisiya ng LGU ay dapat na suportado ng bagong ondated delivery receipt ang bawat transport o delivery.
Sinabi ng NBI na recycled ang delivery receipts na ipinakita ng mga suspek para makaiwas sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Isinalang na sa inquest proceedings sa piskalya sa Dumaguete City ang tatlo kung saan ipinagharap ang mga ito ng reklamong paglabag sa Philippine Mining Act.
Moira Encina