Tatlong negosyante at isang kumpanya kinasuhan ng tax evasion sa DOJ dahil sa mahigit 85 milyong pisong utang sa buwis
Ipinagharap ng reklamong tax evasion sa Department of Justice o DOJ ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang tatlong negosyante at isang kumpanya dahil sa hindi pagbabayad ng buwis na umaabot sa 85 milyong piso.
Reklamong paglabag sa section 255 ng tax code ang isinampa laban kina Roberto Aramburo Flordeliza, Laarni Bringas San Joaquin, Ulpiano Buenaventura Mateo Jr., at sa Ever Pacific steel industries Inc. at sa presidente nito na si Tennessee T. Ng.
Pinakamalaki sa hinahabol na buwis ng BIR ang sa Ever Pacific steel para sa unang semestre ng 2013 na kabuuang 35.93 milyong piso.
Umaabot naman sa 32.96 milyong piso ang utang sa buwis noong 2013 ni Mateo na sole proprietor ng 747 Builders and Traders na matatagpuan sa Marilao, Bulacan.
Nasa 17.75 milyong piso ang tax liability noong 2011 ni Flordeliza na sole proprietor ng TBK Enterprises habang 1.84 milyong piso naman ang di nabayarang buwis noong 2011 ni San Joaquin na may-ari ng Sew and Accent home interiors na parehong nasa Marulas, Valenzuela City.
Batay sa records ng BIR-Caloocan city, nasilbihan na ng mga kaukulang abiso ang mga respondents kaugnay sa kanilang utang sa buwis pero nabigo pa ring magbayad kaya tuluyan na nilang kinasuhan sa DOJ.
Ulat ni Mora Encina
=== end ===