Tatlong pulis Caloocan na convicted sa murder ni Kian delos Santos, hindi bibigyan ng pardon ni Pangulong Duterte – ayon sa Malakanyang
Ginarantiyahan ng Malakanyang na hindi makatitikim ng pardon ang sinumang mga alagad ng batas na napatunayang guilty sa sadyang pagpatay ng mga sibilyan.
Reaksyon ito ng Malakanyang makaraang maglabas ng conviction verdict ang Caloocan City Regional Trial Court Branch 125 laban sa tatlong pulis Caloocan na sangkot sa pagpatay kay Kian delos Santos.
Convicted sa kasong murder sina PO3 Arnes Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz.
Sa press briefing sa Malakanyang, iginiit ni Presidential Pokesman Salvador Panelo na bagaman may mga nauna nang pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapardon niya ang mga pulis at sundalong nakulong dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin hindi naman aniya kinukunsinti ng Pangulo ang mga otoridad na malinaw na may paglabag sa batas.
Sa kaso ni Kian, sinabi ni Panelo na murder ang kaso ng tatlong pulls na ibig sabihin may intensyong patayin talaga ang biktima.
Inihayag ni Panelo na sa kaso ni Kian ipinakikita na buhay at aktibong gumagana ang judicial system sa bansa.
Ayon kay Panelo sa loob lamang ng anim na buwan ay nakuha ng pamilya ng biktima ang hustisya, patunay na nagtrabaho nang husto ang prosekusyon.
Ulat ni Vic Somintac