Tatlong pulis Caloocan na sangkot sa pagpatay sa binatilyong si Kian Delos Santos, hinatulang guilty ng hukuman
Hinatulan ng guilty ng mababang korte ang tatlong pulis Caloocan na akusado sa pagpatay sa binatilyong si Kian Delos Santos sa isang anti-illegal drug operation noong 2017.
Sa desisyon ni Caloocan RTC Branch 125 Presiding Judge Roldolfo Azucena, napatunayang guilty sa kasong murder sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz at PO1 Jeremias Pereda.
Pinatawan ang tatlo ng parusang Reclusion Perpetua without Eligibility of Parole.
Inatasan din ang mga pulis na bayaran ang pamilya ni Kian ng 100 thousand pesos bilang Civil Indemnity, 100,000 pesos bilang moral damages, 45,000 bilang actual damages at 100,000 bilang exemplary damages.
Inabswelto ng korte ang tatlo sa kasong planting of evidence at planting of firearms.
Samantala, iniutos din ng hukuman na i-archived ang kaso laban sa police asset na si Renato Perez Loveras hanggang sa ito ay madakip.
Kaugnay nito ay magpapalabas ang Korte ng alias Warrant of Arrest laban kay Loveras.
Dahil naka-archive ang kaso, ay bubuksan ito sa oras na siya ay mahuli para mabigyang pagkakataon na magprisinta ng ebidensya.
Si Loveras ang nagturo sa mga pulis kay Kian na drug courier sa kanilang lugar.
Si Delos Santos ay napaslang sa ikinasang Oplan Galugad ng Caloocan Police Community Precinct 7.