Tatlong pulis na sangkot sa pagkawala ng isang sabungero sa San Pablo City,Laguna, kakasuhan ng DOJ ng robbery at kidnapping
Nakitaan ng probable cause ng DOJ Panel of Prosecutors para kasuhan sa hukuman ang tatlong pulis kaugnay sa pagkawala ni Ricardo Ricafort Lasco na master agent ng online sabong sa San Pablo City, Laguna.
Sa resolusyon ng DOJ, sinabi na nakatakdang sampahan ng mga kasong robbery at kidnapping sa San Pablo City, Laguna Regional Trial Court sina Police Staff Sergeant (PSSG) Darryl Paghangaan, Patrolman (PAT) Roy Navarete, at Patrolman (PAT) Rigel Brosas.
Ang mga nasabing respondent ay positibong tinukoy ng mga complainant.
Sa reklamo ng mga complainant na inihain sa DOJ noong Abril, nasa 10 lalaki ang pumasok sa kanilang bahay noong August 30, 2021.
Bukod sa pagkuha kay Lasco ay ninakawan din raw sila ng mga gamit na nasa milyong piso ang halaga.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban sa dalawang iba pang pulis at ilan pang John Does.
Noong December 1 ay nakipag-dayalogo kay Justice Secretary Crispin Remulla ang ilan sa mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
Tiniyak ni Remulla sa pamilya ng mga biktima na gagawa siya ng paraan para mapabilis ang resolusyon sa mga inihaing reklamo sa DOJ kaugnay sa nasabing kaso ng missing sabungero.
Moira Encina