Tatlong pulis na sangkot sa pagpatay sa Spanish businessman noong 2020 sa Siargao, sumuko


Nabuhay muli ang kaso sa pagkamatay ng Espanyol na negosyante na si Diego Bello Lafuente na nasawi sa anti-drugs operation ng pulisya noong 2020 sa Siargao Islands.

Ayon sa DOJ, ito ay matapos na sumuko sa mga otoridad  ang tatlong pulis na sangkot sa pagpanaw ni Lafuente.

Courtesy: DOJ

Ang mga akusado ay ang dating hepe at mga tauhan ng General Luna Municipal Police Station na sina PCapt. Wise Vicente B. Panuelos, PSgt. Ronel A. Pazo, at PSgt. Nido Boy E. Cantos.

Si Lafuente ay isang surfer na nakabase sa Siargao at sinasabing drug lord sa Caraga Region

Namatay ito bunsod ng tama ng mga baril ng mga akusadong pulis.

Sinabi ng DOJ na sumuko ang tatlong pulis noong Pebrero 9.

Dinala ang mga ito ni PNP- CIDG Chief Brigadier General Romeo Caramat sa DOJ at iniharap kay Justice Secretary Crispin Remulla.

Ipinalahad ng kalihim sa mga pulis ang mga pangyayari hanggang sa pagkamatay ng banyaga.

Batay sa mga ito, self-defense ang kanilang ginawa matapos na paputukan sila ng baril ng dayuhan.

Hindi umusad ang paglilitis ng korte sa kasong murder laban sa mga akusadong pulis dahil sa hindi sila matunton.

Sinabi ni Remulla na welcome development sa kaso ang pagsuko ng tatlong pulis.

Ang tangi aniyang ipinangako sa tatlo ay magiging patas ang pagsuri sa kaso laban sa mga ito.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *