Tatlong pulis na suspek sa pagkamatay ng Spanish drug suspect, ipina-subpoena ng DOJ
Pinahaharap ng DOJ panel of prosecutors sa pagdinig ang tatlong pulis sa Siargao Islands, Surigao del Norte na suspek sa pagkamatay ng Spanish drug suspect na si Diego Lapuente.
Ang mga pulis na kinilala na sina Capt. Wise Vicente Panuelos, S/Sgt. Ronel Azarcon Pazo, at S/Sgt. Nido Boy Esmeralda ay nahaharap sa mga reklamong murder, planting of evidence, at perjury na isinampa ng NBI noong Setyembre 17.
Ayon kay Prosecutor Honey Rose Delgado, ipinatawag ng DOJ panel ang tatlong pulis para ihain ang kanilang kontra-salaysay sa Oktubre 25.
Sinabi ni Delgado na dahil sa malayo ang pagmumulang lugar ng mga pulis ay binigyan sila ng sapat na panahon para makaharap at masagot ang reklamo.
Si Lapuente ay namatay dahil sa mga tinamong tama ng bala sa engkuwentro nito sa mga pulis matapos ang buy-bust operation noong Enero 8, 2020.
Nakuha sa dayuhan na itinuturing na high-value target ng mga pulis ang 10 gramo ng cocaine at automatic pistol.
Una nang hiniling ng Spanish government sa pamamagitan ng Office of the Consulate General of Spain sa Maynila na maimbestigahan ang insidente.
Moira Encina