Tatlong suspek sa iligal na pag-recycle ng aluminum wastes sa Norzagaray, Bulacan, arestado ng NBI
Inaresto ng NBI ang tatlong indibidwal dahil sa pag-operate ng recycling plant ng aluminum wastes na walang permit sa Norzagaray, Bulacan.
Kinilala ng NBI ang mga hinuling suspek na sina Analiza Omblero, Laberto Dela Cruz, at Ariel Helvero.
Ayon sa NBI, nakatanggap sila ng intelligence report ukol sa iligal na operasyon ng Aluminum Chips Recycling Plant.
Ang planta ay sinasabing walang kinauukulang environmental compliance certificate mula sa Environment Management Bureau (EMB) at walang valid permit to operata mula sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO).
Batay pa ulat na natanggap ng NBI Bulacan, gumagamit ng hazardous chemical ang planta na Sodium Silicoflouride na toxic chemical compound para sa fluoridation, insecticide at rodenticide.
Wala rin na proper sewerage system ang planta para sa akmang pagtapon ng toxic waste product nito.
Dahil dito, nagsagawa ng surveillance at sting operation ang mga tauhan ng NBI sa recycling plant at nakumpirmang lumalabag ito sa ilang environmental laws.
Nang salakayin na ng NBI ang planta ay nadatnan sa recycling plant ang mga suspek na sina Dela Cruz at Helvero kasama ang dalawang menor de edad na nagtatrabaho doon.
Dumating din sa lugar ang may-ari ng planta na si Omblero habang isinasagawa ng NBI ang operasyon kaya ito ay inaresto rin.
Kabilang sa nakumpiska ng NBI sa operasyon ang mga sako ng toxic chemical na Sodium Silicoflouride, hindi mabatid na bilang ng sako ng Berota o aluminum waste, 100 piraso ng aluminum clocks, tone-toneladang non -liquefied waste, at long wing-van truck.
Dinala sa piskalya ang mga suspek kung saan sinampahan sila ng patung-patong na reklamo.
Inilipat naman ng NBI ang kustodiya ng dalawang minors sa Provincial Social Welfare and Development of Bulacan sa Malolos City.
Moira Encina