Tatlong underage na OFWs papuntang Saudi Arabia, naharang sa NAIA ng Bureau of Immigration
Tatlo pang underage na OFWs ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa NAIA.
Ayon kay BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, pawang mga babae ang tatlong OFWs na pasakay na sana ng flight nila sa Gulf Air papuntang Saudi Arabia.
Nabatid na mayroong valid overseas employment certificates, job contracts at working visas ang tatlong Pinay.
Pero nagprisinta ang tatlo ng pasaporte na may pekeng petsa ng kanilang kaarawan para ipalabas na pasado sila sa age requirement para sa mga household service workers na 23 taong gulang pataas.
Dalawa sa mga ito ay 22 years old lamang habang ang isa ay 20 anyos lamang.
Nai-turn over na ang mga Pinay sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa karagdagang imbestigasyon.
Una rito ay iniutos ni Immigration Commissioner Jaime Morente sa mga tauhan nito sa NAIA na mas maghigpit sa screening ng lahat ng mga papaalis na OFWs para matiyak na ang mga edad nito ay kwalipikado sa overseas job deployment.
BI Chief Jaime Morente:
“These underaged women are prone to abuse and exploitation in foreign lands, and are being victimized by syndicates exploiting them. To those seeking greener pastures abroad, do not fall for this scheme.”
Ulat ni Moira Encina