Tax incentives system ng bansa ipinaaaral ni PBBM sa DOF
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Finance (DOF) na pag-aralang mabuti ang tax incentives system sa bansa.
Sa isinagawang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na natalakay nila kay Pangulong Marcos ang ukol sa fiscal incentives para sa export at domestic market-oriented enterprises.
Paliwanag ni Diokno, kailangang balansehin ang lahat ng aspeto sa pagbibigay ng tax incentives upang hindi naman mawalan ng kita ang gobyerno.
Aminado ang kalihim na ang umiiral na tax incentives system na namana ng Marcos administration mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay mas maayos naman kumpara sa ilalim ng administrasyong Aquino.
“Na discuss namin ito kay Presidente, sabi niya continue to look into it kase alam nyo binabalanae namin eh meron kase tayong tinatawag na fiscal program na hanggang 2028,” pahayag ni Sec. Diokno.
“And right now, kung mamimigay ka ng incentives mawawalan ka ng koleksyon.. So we are studying it again it is not a perfect system we need improvement but right now our system is doing well ok so sabi ko nga yun naman sa amin kay Presidente Duterte is much, much better that what we inherited from the previous one.”
Sa iprinisintang mga tax reform packages ng DOF mula taong 2018 hanggang 2022 ay bumaba ang personal income tax na naitala sa P458.1 billion at maging ang stimulus tax package para sa pandemic recovery sa P148.4 billion.
Gayunman tumaas naman ang excise at vat sa lifestyle products and services na naitala sa mahigit P1.1 billion at documentary stamp taxes na P212.2 billion.
Aminado naman si Diokno na napakaraming kumpanya na nabigyan ng “forever” tax incentives ang pinutol ng ahensya sa sampung taon.
Kabilang naman sa pag-aaralan ng DOF ay ang paglipat ng gobyerno sa consumption tax mula sa income tax.
Eden Santos