Taxi operators naghain ng petisyon para itaas sa P60 ang kanilang flag down rate
Kabi- kabila na ang petisyon na inihain sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para hilingin na itaas na ang singil sa pamasahe ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
Ang isang grupo ng mga taxi operators, humirit na itaas sa 60 pesos ang flag down rate mula sa kasalukuyang 40 pesos.
Sinabi ni Bong Suntay, ang Presidente ng Philippine National Taxi Operators Association na sa kanilang petisyon, hindi na dapat idaan sa fare matrix ang anumang dagdag singil.
Ito’y para hindi na madagdagan ang kada metro at madaling maibaba ang flag down rate sakaling bumalik sa normal ang presyo ng krudo.
Bukod sa mga taxi operator, sinabi ng LTFRB may nakapending na petisyon sa tanggapan ang provincial bus na one utak at LTOP.
Humihirit rin ang TNVS na itaas sa 55 pesos ang kanilang minimum fare mula sa kasalukuyang 40 pesos.
Ayon sa LTFRB, naiintindihan nila ang apila ng mga drivers at operators pero kailangan pang balansehin ang sitwasyon .
Pinag-aaralan naman raw ng LTFRB ang lahat ng petisyon at maaring madesisyunan ito bago ang June 30 o bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Pero sa ngayon may posisyon na aniya ang NEDA na tumututol sa anumang fare increase dahil sa epekto nito sa mga commuters at presyo ng mga pangunahing bilihin.
May ibinibigay naman aniyang ayuda sa mga tsuper at operators sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.
Ang second tranche raw nito matatanggap na rin ng mga tsuper sa Hulyo.
Sa ngayon tuloy ang pagbibigay ng libreng sakay ng DOTR at LTFRB na maaaring palawigin hanggang Agosto para tulungan ang mga commuter.
Meanne Corvera