Telcos at ISPs, binalaan ng DOJ na kakasuhan kung ‘di makikipagtulungan sa giyera vs child exploitation
Hihingin ng gobyerno ang tulong ng telecommunication companies at internet service providers (ISPs) sa giyera nito laban sa online sexual exploitation of children (OSEC).
Sa Kapihan sa Manila Bay news forum, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na susulat sila sa ISPs at telcos para hingin ang kooperasyon para ma-filter ang mga site na ginagamit sa child pornography at iba pang OSEC.
Bibigyan din ng ultimatum ng DOJ ang ISPs para makatugon.
Nagbabala naman si Remulla na kung mabibigo ang telcos at ISPs ay maaari silang kasuhan bilang kasabwat ng child predators.
Mahalaga aniya ang pagtulong ng ISPs sa paghabol at pagpigil sa nasabing krimen sa mga bata.
Bukod sa telcos at ISPs, makikipag-ugnayan din ang gobyerno sa social networking sites gaya ng Facebook at TikTok.
Bahagi ng paglaban sa OSEC, maglulunsad aniya ang pamahalaan ng hotlines para tumanggap ng sumbong sa mga nasabing kaso.
Hinikayat ng justice chief ang publiko na iulat sa DOJ kung may nalalaman sa nasabing kaso at tiniyak na mabibigyan ang mga testigo ng proteksiyon.
Una nang nagdeklara ang Marcos government ng giyera laban sa child exploitation matapos na manguna ang bansa sa buong mundo sa OSEC cases.
Moira Encina