Tensiyon sa Israel-Hamas war, umabot sa UN COP28
Nag-walkout ang delegasyon ng Iran at kinansela ng pangulo ng Israel ang kaniyang talumpati, matapos gumapang ang tensiyon tungkol sa Gaza war sa UN COP28 climate talks sa Dubai.
Nang magpatuloy ang air strikes makaraan ang isang linggong tigil-putukan, ay nagtipon ang ilan sa mga pinuno ng mga bansa upang pag-usapan ang climate change at magdalamhati sa Israel-Hamas war na ikinasawi na ng libu-libong katao.
Sinabi ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan, “It is impossible not to touch on the humanitarian crisis taking place in Palestinian territories close to us. The incidents taking place in Gaza are a humanitarian crime, a war crime.’
Kapwa naman tinawag na “genocide” ng mga pangulo ng Colombia at Cuba ang giyera.
Sa araw na muling nagpatuloy ang karahasan sa Gaza Strip, kung saan mahigit 100 ang nasawi ayon sa Hamas, ilang world leaders ang nagtipon sa COP28.
Subalit hindi sumipot si Israeli President Isaac Herzog para sa nakatakda niyang talumpati, isang araw matapos kanselahin ng kaniyang Palestinian counterpart na si Mahmoud Abbas ang plano nitong pagbisita sa COP28.
Wala rin sa final line-up ang emir ng Qatar, na orihinal na nasa talaan na isa sa speakers.
Hindi dumalo sa pulong ang de facto ruler ng Saudi Arabia na si Crown Prince Mohammed bin Salman, gayong siya ang nakatakdang magbigay ng unang talumpati.
Walang ibinigay na dahilan sa “last-minute” changes.
Una nang nagsalita si UN Secretary-General Antonio Guterres sa World Climate Action Summit sa sidelines ng COP28, habang pumapasok ang mga balita ng deadly strikes.
Ayon kay Guterres, “As we see in this region, conflicts are causing immense suffering and intense emotion. We just heard the news that the bombs are sounding again in Gaza.”
Saglit namang nilisan ng team ng Iran ang COP28 bilang protesta sa presensiya ng Israel, na tinawag ng delegation chief at Energy Minister na si Ali Akbar Mehrabian, na “taliwas sa goals at guidelines ng kumperensiya.”
Kalaunan, ayon sa official news agency na IRNA, hindi dadalo si Iranian President Ebrahim Raisi sa COP28 at si Mehrabian ang papalit sa kaniya.
Samantala, ginamit ni Iraqi President Abdel Latif Rashid ang kaniyang talumpati upang kondehain ang agresibong pag-atake sa Gaza.
Aniya, “We call upon the international community to stand firm against this assault.’
Sinabi naman ni South African President Cyril Ramaphosa, “My country was appalled at the tragedy that is underway in Gaza, the war against the innocent people. Palestine is a war crime that must be ended.”
Nang banggitin ng isa sa mga unang tagapagsalita na si King Abdullah II ng Jordan ang tungkol sa Gaza, isa sa mga delegado ang nagsimulang pumalakpak ngunit agad na huminto nang walang sinumang gumaya sa kanya.
Binatikos din ng iba pang mga lider ang giyera, ngunit walang binanggit tungkol dito si Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi, isang frontline state na may hangganan sa Gaza.
Ang United Arab Emirates, ang bansang mayaman sa langis na host ng COP28, ang isa sa iilang Arab states na kumilala sa Israel matapos ang paglalagda sa Abraham Accords noong 2020.