COVID-19 testing capacity ng bansa patuloy pang tumataas
Bagama’t nasa moderate risk na ang bansa pagdating sa COVID-19 infection, patuloy parin ang pagsisikap ng pamahalaan na mapataas ang testing capacity ng bansa.
Ayon sa Department of Health, sa ngayon ay mayroon ng 184 COVID-19 laboratories ang kanilang nabigyan ng lisensya para magproseso ng mga swab sample.
Ang 141 dito ay RT PCR laboratories habang ang 43 naman ay GeneXpert laboratories.
Habang mayroon pang 87 laboratoryo ang nag-aaplay sa DOH upang maging COVID-19 laboratories.
Pero sa kabila ng marami ng bilang ng COVID-19 laboratories sa bansa, hindi naman sila isang daang porsyento na nakakapagsumite ng report ng kanilang mga naiprosesong test kada araw.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, ito ay dahil sa iba’t ibang kadahilanan gaya ng kakulangan sa mga tauhan partikular ang encoder.
Habang may ilang laboratoryo sa mga lugar na sinalanta ng magkakasunod na bagyo ang naapektuhan rin.
Pero tiniyak ni Vergeire na ginagawan ito ng aksyon ng DOH para masolusyunan ang problema.
Madz Moratillo