“The Beatles: Get Back” documentary, ipalalabas na sa November 25
Ipapalabas na sa November 25 ang three-part documentary series ng Disney+ tungkol sa mga huling buwan ng Beatles bilang isang banda.
Layunin ng direktor at producer nito na si Peter Jackson, na magbigay ng mas positibong pananaw sa mga huling buwan ng tinaguriang ‘Fab Four’ bilang isang banda.
Sa tatlong bahaging serye ay makikita sina John Lennon, Paul McCartney, George Harrison at Ringo Starr noong Enero 1969, na naghahanda para sa una nilang konsiyerto sa loob ng higit na dalawang taon.
Gamit ang ilang oras na unseen archive footage, ipakikita ni Jackson sa Disney+ documentary, kung paano isinulat at ini-record ng Beatles ang 14 na bagong mga kanta para sa okasyon kung saan binigyan lamang nila ng tatlong linggo ang kanilang sarili para ito tapusin.
Ang yugto ng panahon ay pamilyar para sa mga manonood ng “Let It Be,” ang 1970 documentary na ginawa ng British director na si Michael Lindsay-Hogg na ang binigyang-diin ay ang tensyon at problema sa loob ng banda.
Ngunit si Jackson, na nakilala bilang direktor, writer at producer ng “Lord of the Rings” at “Hobbit” trilogy at isang proud na Beatles obsessive, ay hindi nakatuon sa mga argumento at hindi pagkakasundo sa pagitan ng Liverpool quartet.
Sa “Get Back” ay makikita ang banda na nagbibiruan habang nililikha ang kanilang classic songs na hanggang ngayon ay pinatutugtog pa rin.
Ang serye ni Jackson ay naglalaman ng huling pagtatanghal ng Beatles sa publiko nang magkakasama, isang 40 minutong konsiyerto sa rooftop ng gusali ng Apple Corps na nasa Savile Row, London.
Pinayagan ng Apple Corps si Jackson na magamit ang 60 oras ng archival video, na ilang dekada nang nakatago.
Ayon sa anak na babae ni McCartney na si Stella . . .”I think there’s always been this misconception that my father was the cause of the Beatles breaking up, and he wasn’t. You can see it very clearly through this amazing insight of unseen footage. My father remained ‘heartbroken’ over the Beatles‘ breakup for ‘most of my life’ as is clear from the series. You just see him desperately wanting to keep this alive and wanting to make this work and his brotherhood to stay intact.” (AFP)