‘The Wire’ star Michael K. Williams, pumanaw na sa edad na 54
Natagpuang patay sa kaniyang New York City apartment ang aktor na si Michael K. Williams, isa sa pinakapopular na aktor nitong mga nakalipas na taon dahil sa kaniyang papel bilang si Omar Little sa “The Wire.”
Ayon kay Mariana Shafran ng Shafran PR, kinatawan ng 54 anyos na aktor . . . “It was with deep sorrow that the family announces the passing of Emmy nominated actor Michael Kenneth Williams. They ask for your privacy while grieving this.”
Sinabi ng isang opisyal mula sa New York Police Department, na si Williams ay natagpuang patay ng isa sa miembro ng pamilya sa kaniyang apartment sa Brooklyn.
Ang “The Wire” series ay naging isa sa pinakasikat na television show, kung saan nagkaroon ito ng limang season at umere mula 2002 hanggang 2008.
Kilala rin si Williams sa kaniyang papel bilang Albert ‘Chalky’ White sa HBO series na “Boardwalk Empire.”
Nakatanggap na siya ng maraming Emmy nominations para sa mga ginampanan niyang papel, kabilang na ang mula sa “Lovecraft Country” series para sa 2021 ceremony, na gaganapin kulang-kulang dalawang linggo mula ngayon.
Na-nominate rin ang aktor para sa 2016 “The Night of” at para sa “When They See Us” noong 2019, tungkol sa isang grupo ng kabataang Black men na napagbintangan ng rape sa Central Park noong 1980s.
Pahayag naman ng HBO . . . “While the world is aware of his immense talents as an artist, we knew Michael as a dear friend who was beloved by all who had the privilege to work with him.”
Mula sa pagiging isang back-up dancer sa music videos ng mga sikat na gaya ni Madonna at George Michael, umabante ang career ng aktor hanggang sa magkaroon na ng speaking roles sa ginampanang rough characters sa mga drama show.
Ang unang malaking onscreen break ni Williams ay noong kunin siya ng rapper na si Tupac Shakur para pumapel na nakababata nitong kapatid sa ginagawa nitong pelikula sa New York, matapos makita si Williams sa isang Polaroid picture.
Ang iba pang pelikulang nagawa ni Williams ay ang “12 Years a Slave,” “The Road” at “Gone Baby Gone.”
Wala pang ibinigay na opisyal na sanhi ng kamatayan ng aktor, ngunit ayon sa ilang US media sinabi ng sources mula sa law enforcement na may hinala sila na posibleng dahil ito sa drug overdose.
Ayon New York Police Department, ang sanhi ng pagkamatay ni Williams ay aalamin ng isang medical examiner.