Third generation Covid-19 na mula sa Pilipinas, itinanggi ng DOH
Hindi maaaring makategorya bilang third generation variant ng Covid-19 ang P.3 variant na unang natukoy dito sa Pilipinas.
Sa isang statement mula sa Department of Health (DOH), nilinaw ni Dr. Cynthia Saloma, Executive Director ng Philippine Genome Center, na hindi anak o hindi nagmula sa P.1 o Brazilian Variant ang P.3 Variant.
Una rito, batay sa isang artikulo, ang P.3 na mula sa Pilipinas ay nahahawig umano sa B.1.1.248 o Japanese variant at ang nasabing Philippine variant ay 3rd generation umano ng brazilian variant.
Ayon kay Saloma, wala na ang B.1.1.248 lineage at noong Enero pa ay wala na rin ito sa PANGOLIN o Phylogenetic Assignment of Named Global Outbreak Lineages.
Sa kabila nito, tiniyak ng PGC na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa mga mutation na ito ng Covid-19 virus, maging ang posibleng maging epekto nito.
Sa gitna ng mga natutuklasang variant ng Covid-19, tiniyak ng DOH na minamadali na nila ang Vaccination sa mga nasa priority sector para maisunod ang iba pang dapat mabakunahan.
Una rito, pumayag na rin umano ang Inter Agency Task Force Against Covid- 19 na masimulan na ang pagbakuna sa mga nasa A1 hanggang A3 ng priority list sa mga lugar na may mataas na transmission ng virus.
Ang A1 ay ang mga Frontline Medical workers, ang A2 ay mga Senior Citizen at ang A3 naman ay Persons with Commorbidities.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na sumunod sa minimum public health standards kontra Covid-19 gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing na siyang pinakamabisang panlaban sa Variant na ito ng Covid- 19.
Madz Moratillo