Thompson ng Cleveland Cavaliers suspendido ng 25 games dahil sa doping: NBA
Binigyan ng NBA ng 25-game suspension ang center ng Cleveland Cavaliers na si Tristan Thompson, makaraang magpositibo sa ipinagbabawal na gamot.
Batay sa pahayag ng NBA, si Thompson ay pinatawan ng suspension without pay makaraang masumpungan sa kaniyang katawan ang traces ng growth hormone na ibutamoren, at bodybuilding supplement na SARM LGD-4033.
Magsisimula ang suspensiyon ni Thompson ngayong Miyerkoles, sa paghaharap ng Cleveland at Milwaukee Bucks.
Ito na ang ikalawang pagkakataon ng 32-anyos na si Thompson sa Cleveland, makaraang muli siyang lumipat dito galing sa Los Angeles Lakers noong isang taon.
Si Thompson ay may siyam na seasons sa Cleveland mula 2011-2020, kung saan nakatulong siya na makamit ng koponan ang NBA championship sa 2015-2016 season.
Sinundan ito ng kaniyang paglalaro sa iba’t ibang koponan kabilang ang Boston, Sacramento, Indiana, Chicago at Los Angeles bago siya muling bumalik sa Cavaliers noong Setyembre para sa isang taong kontrata.