Tigdas tinututukan din ng DOH
Bukod sa pertussis, nakatutok din ang Department of Health (DOH) sa tumataas na kaso ng tigdas sa bansa.
Ayon sa DOH, 77% ng mga bagong kaso ng tigdas ay natukoy sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mula Enero hanggang Marso 20, nasa 592 kaso na ng tigdas ang naitala sa BARMM.
Una rito, nagdeklara na ng outbreak ng tigdas sa rehiyon.
Kaya para mapigilan ang pagkalat pa ng sakit, simula kahapon hanggang sa Abril 12, ay nagsasagawa ang DOH ng tinawag nilang outbreak response immunization tigdas sa BARMM.
Target na mabakunahan ang 1.3 milyong bata mula 6 na buwan hanggang 9 na taong gulang sa rehiyon.
Kasama sa prayoridad na mga lugar ay ang Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, at Marawi City.
Una rito, personal na bumisita sa BARMM si Health Secretary Ted Herbosa para talakayin ang sitwasyon sa rehiyon.
Ayon sa DOH, ang measles virus ay nagpapahina sa immune system at pwedeng makamatay.
Kabilang sa sintomas nito ay mataas na lagnat, pagkakaroon ng conjunctivitis, runny nose, at rashes na mulang maliliit na tuldok na karaniwang nagsisimula sa may ulo pababa ng katawan.
Madz Villar-Muratillo