Tiger Woods, inilipat sa Los Angeles hospital para sa dagdag pang gamutan
LOS ANGELES, United States (AFP) – Inilipat sa isang Los Angeles medical facility ang golf superstar na si Tiger Woods, para sa dagdag pang gamutan ayon sa isang pahayag mula sa ospital kung saan siya inoperahan dahil sa malubhang pinsala sa binti matapos maaksidente ang kaniyang sasakyan.
Ayon kay Anish Mahajan, CEO ng pagamutan kung saan unang dinala si Woods . . . “Mr. Tiger Woods was transferred to Cedars-Sinai Medical Center for continuing orthopedic care and recovery On behalf of our staff, it was an honor to provide orthopedic trauma care to one of our generation’s greatest athletes.”
Nitong Martes, si Woods ay mag-isang nagmamaneho sa Los Angeles, sa isang kalsadang kilalang malimit pangyarihan ng mga aksidente, nang tumama ang kaniyang SUV sa center median at mapalipat sa kabilang linya, sumalpok sa isang puno at ilang ulit na bumaligtad.
Ang 15-time major champion ay sumailalim sa operasyon upang ayusin ang isang “significant orthopedic injuries” sa ibabang bahagi ng kanan niyang binti at sakong, kung saan nilagyan ng rod ang kaniyang shin bone at gumamit ng kombinasyon ng screws at pins para ma-stabilize ang kaniyang paa at sakong.
Ang aksidenteng kinasangkutan ni Woods, ay naging sanhi ng mga pag-aalinlangan kung kakayanin pa ba nitong lumahok sa top level competitions.
Ang aksidente ay nangyari, dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas matapos sumailalim ni Woods sa ika-lima niyang operasyon sa likod.
Ayon sa unang opisyal na dumating sa pinangyarihan ng car crash, napaka masuwerte pa ni Woods at nabuhay pa ito.
Ayon kay Deputy Carlos Gonzalez . . . “He was found conscious, appearing calm and lucid and able to identify himself as Tiger.”
Sinabi naman ni Los Angeles County Sheriff Alex Villanueva, na si Woods ay wala sa ilalim ng impluwensya ng alak o droga nang ito ay maaksidente.
Aniya, ang pinakamababang offense na maaaring ipataw kay Woods ay ang tinatawag na “infraction,” kapag napatunayan ng mga imbestigador na mabilis ang pagpapatakbo o wala sa pagmamaneho ang atensyon nito.
© Agence France-Presse