Tiger Woods, naospital matapos maaksidente sa kalsada
LOS ANGELES, United States (AFP) – Naospital ang US golfer na si Tiger Woods, matapos maaksidente ang sasakyan nito na nagtamo ng malubhang pinsala, ayon sa Los Angeles Country Sheriff department.
Sinabi ng agent ni Woods na si Mark Steinberg, na pinagtulungan siyang alisin ng mga bumbero at paramedics mula sa nawasak niyang sasakyan.
Ang golfer na itinakbo sa isang local hospital matapos magtamo ng “multuiple leg injuries,” ay mag-isa lamang sa loob ng kaniyang sasakyan nang mangyari ang aksidente.
Ayon kay Steinberg, inooperahan na si Woods. Nagpasalamat din ito sa ibinigay na suporta at privacy ng publiko.
Wala nang iba pang sasakyang sangkot sa “roll-over crash” na nangyari malapit sa Los Angeles.
Si Woods ay isa sa pinakamatagumpay na golf player, na nagwagi ng 15 major golf championships.
Kamakailan ay sumailalim siya sa kaniyang ika-limang back surgery, at sinabing hindi nya tiyak kung makapaglalaro pa siya sa darating na Masters, na huli niyang napanalunan noong 2019.
Ayon sa isang celebrity website, ang 45-anyos na si Woods ay nasa nabanggit na area, dahil sa kaniyang annual Genesis Invitational golf tournament sa Riviera Country Club.
© Agence France-Presse