Timber company na nahulijan ng mga sigarilyo na may pekeng stamps, kinasuhan ng Tax evasion sa DOJ
Ipinagharap ng mga reklamong Tax Evasion sa DOJ ng BIR ang isang Timber company at mga opisyal nito matapos mahulihan ng kahun-kahon ng mga sigarilyo na mayroong pekeng tax stamps sa warehouse nito sa Misamis Oriental.
Mga reklamong unlawful pursuit of business, unlawful possession of spurious internal revenue stamps at hindi pagbabayad ng excise tax sa ilalim ng National Internal Revenue code ang isinampa ng BIR laban sa Timber Wood Development Corporation.
Kinasuhan din ng BIR ang mga opisyal ng Timber wood na sina Ting-Pi Huang, Presidente; Chiu- Ling Su, Chief Finance Officer at mga Corporate Secretary na sina Ma. Sharon L. Remo, Christian M. Tong, at Nenito P. Pialan.
Kabuuang 118. 4 million pesos na hindi binayarang buwis ang hinahabol ng BIR sa Timber wood at mga Corporate officers nito.
Ayon sa BIR, ang Timber Wood na may address sa Mohon, Tagoloan, Misamis Oriental ay nasa negosyo ng exporting, buying selling ng lahat ng uri ng kahoy o troso.
Pero sa isinagawang validation ng BIR Cagayan de Oro City nasa plywood manufacturing ang kumpanya at hindi rehistradong excise tax payer.
Dahil dito, ikinasa ng BIR katuwang ang nbi ang surveillance sa warehouse ng kumpanya.
Tumambad sa mga otoridad ang kahun-kahon ng mga sigarilyo at chewable tobacco products na walang tax stamps o kaya ay may pekeng excise tax stamps.
Kabuuang 798 na master cases at 116 reams ng iba ibang sigarilyo ang nakumpiska mula sa Timber wood.
Ulat ni Moira Encina