Tinaguriang “Ambassador of Dogwill” na si Kabang namatay na
Namatay na kagabi si Kabang, ang asong naging hero o bayani para sa mga taga Zamboanga matapos niyang iligtas sa kapahamakan ang dalawang batang anak ng kaniyang amo, noong 2008.
Sa post ni Dr. Anton Lim, isa sa tagapag-alaga ni Kabang, pakakainin na sana niya ito kaninang ala-7:00 ng umaga pero hindi na gumagalaw ang aso mula sa kaniyang hinihigaan.
Si Kabang ay huling nakitang buhay ng kaniyang tagapag-alaga kahapon ng alas-3:00 ng hapon, nang palitan ni Dr. Lim ang kaniyang tubig.
Noong 2008 ay binangga ni Kabang ang isang humaharurot na motorider sa tapat ng vulcanizing shop ng kaniyang amo, sa Mayor Vitaliano Agan avenue na dating Nuniez extension ng lungsod, para iligtas ang dalawang bata na niyo, na naging dahilan ng pagkakaputol ng kaniyang nguso.
Isa si Dr. Lim sa tumulong para mapagamot ang aso sa ibang bansa, hanggang sa makilala si Kabang sa buong mundo bilang “Ambassador of Dogwill.”
Malaki rin ang naitulong ni Kabang para makaahon sa kahirapan ang buong pamilya ng kaniyang amo, dahil sa mga tulong pinansiyal na ipinagkaloob para kay Kabang mula sa ibat-ibang organisasyon sa buong mundo.
Ayon kay Dr. Lim, napamahal na sa kanila si Kabang na kahit aniya “askal” o asong kalye lang ay naging halimbawa ito sa iba pang mga aso na nakapalibot sa kanilang lugar.
Gayunman, wala pang ibinibigay na paliwanag ang pamilya Lim kung ano ang ikinamatay Ala ni Kabang.
Ulat ni Ely Dumaboc