‘Tinang 83’ naghain ng counter-charges sa DOJ laban sa piskal na nagsulong ng kaso sa kanila
Inireklamo sa DOJ ng mga tinaguriang ‘Tinang 83’ ang piskal sa Tarlac na nagsulong ng kaso laban sa kanila sa korte.
Ang Tinang 83 na binubuo ng mga magsasaka at mga campus journalists at artist ay una nang inaresto ng mga otoridad sa isang land cultivation activity sa Concepcion, Tarlac at kinasuhan ng malicious mischief at illegal assembly.
Pero, kamakailan ay ibinasura ng korte sa Tarlac ang mga reklamo laban sa grupo.
Sa joint complaint-affidavit ng mga magsasaka at mga supporters nito sa DOJ, ipinagharap nila ng patung-patong na reklamo si Tarlac Assistant Provincial Prosecutor Mila Mae Montefalco.
Kabilang na rito ang mga reklamong grave and serious misconduct, gross ignorance of the law and procedure, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Kaugnay nito, hiniling din ng mga complainants kay Justice Secretary Crispin Remulla na habang dinidinig ang reklamo ay patawan ng preventive suspension si Montefalco.
Nais din ng grupo na bumuo ng bagong panel of prosecutors ang DOJ na didinig sa mga hiwalay na reklamo laban sa Tinang 83.
Hihilingin nila na mag-inhibit si Montefalco sa mga nasabing kaso.
Nakatakda ring sampahan ng reklamo ng Tinang farmers ang mga pulis na iligal na umaresto sa mga ito.
Mga reklamong unlawful arrest at perjury ang ilan sa mga ihahain laban sa mga pulis at sa hepe ng Concepcion, Tarlac PNP.
Moira Encina