Tinola, my favorite Pinoy dish!
Hello mga kapitbahay!
Mag-asawang vlogger ang nakausap natin sa programang Kapitbahay sina Donna Mhay at Richard Armstrong. Ito ay nuong dumalaw sila sa Ilocos Sur sa parents ni Mhay. Sabi ni Richard, ito ang kaunaunahang family vacation nila mula ng magkapandemya. Memorable dahil first time nila na magpunta ng Cebu at first time din ng kaniyang mother-in-law at brother-in-law na sumakay sa eroplano.
At ang tumatak sa kaniya sabi ni Richard ay ang kasiyahan na mababakas sa mukha ng kanilang anak na si Ella. Nanghinayang lang sila dahil hindi nakakain ng lechong Cebu. Pero, alam ba ninyo na ang American na si Richard ay sobrang gusto ang ating tinolang manok? Kahit na daw araw-araw na ulam ito ay wala siyang reklamo.
Sa katunayan nang magpunta sila ng Boracay ay ito lagi ang inoorder niyang ulam. Hindi daw siyang nagsasawa sa lasa. Sarap na sarap daw siya sa tinola. At kung gaano ang pagkagusto niya rito ay ayaw naman niyang daing o tuyo dahil sa amoy.
Naitanong ko sa kanilang mag-asawa kung meron ba silang problema sa parenting style? Ang sagot ni Mhay ay meron. Iba kasi ang paraan ng pagpapalaki natin dito sa Pilipinas at iba din sa Amerika.
Talagang ang bata ay may pagkamakulit kaya minsan ay napapalo si Ella na hindi nagugustuhan ni Richard, dahil hindi ito ang nakasanayan sa kanila. Pinag-uusapan naman daw nila itong mag-asawa para maiwasan ang hindi pagkakaintindihan.
Pagdating sa pagkatuto sa tagalog, aminado si Richard na hindi siya ganuon kabilis o kadaling matuto ng tagalog pero paunti-unti ay may natutuhan na siya gaya ng salamat, mabuti po, maganda, kain at iba pa.
Hindi nawawala sa kanilang mag-asawa ang komunikasyon, madalas na nag-uusap, nagbibiruan. At ang hinahangaang katangian ni mister sa kaniyang misis ay ang pagiging hardworking nito.
Samantalang si Richard naman sabi ni Mhay, mas mahusay magluto kaysa sa kaniya at marunong sa mga gawaing bahay. Bago kami magtapos ng kuwentuhan naitanong ko kay Richard kung ano
bang pinakagusto niya sa mga Pinoy?
Ang sagot niya … ang pagiging masayahin, hindi magagalitin, matulungin, may ‘biggest smile in the world ‘, at close family ties.
-30-