Tips Kontra Carnapping
LUNGSOD QUEZON, Set. 16 (PIA) – Nagpalabas kamakailan ang Philippine National Police (PNP) ng ilang mga tips kontra carnapping.
Ayon sa datos ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), kadalasan ang mga sasakyang nananakaw o na-carnap sa Metro Manila ay mga sasakyan na nakaparada lamang sa tabing kalsada.
Kaya naman pinayuhan ni PNP chief Police Director General Ricardo C. Marquez ang mga may ari ng sasakyan na iwasang iparada ang kanilang sasakyan sa tabing kalsada.
Sakaling ‘di maiwasan, narito ang ilang mga tips ng PNP kontra carnapping.
Kung maaari, maglagay ng security alarm at devices sa inyong mga sasakyan at iparada ito sa ligtas na lugar. Ugaliin ding i-lock ang mga pinto, bintana ng mga sasakyan. Kung maaari rin, i-lock ang mga gulong at steering wheel ng sasakyan habang naka parada.
Siguraduhin ding hawak-hawak ang susi ng sasakyan kung papunta na sa sasakyan upang dalian itong mabuksan.
Kung masiraan ng sasakyan sa isang liblib na lugar, manatili sa loob ng sasakyan, i-lock ang mga pinto at tumawag ng tulong sa mga otoridad at kapamilya. (PNP/RJB/JEG/PIA-NCR)