Tiwala ng Pangulo, sinayang umano ni VP Leni Robredo – Senador Sotto
Sinayang umano ni Vice-President Leni Robredo ang pagkakataong ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para pamunuan at maresolba ang problema sa illegal drugs.
Ito ang pahayag ni Senate President Vicente Sotto matapos sibakin ng Pangulo si Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti- Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Sotto, ang appointment ni Robredo ay batay sa tiwala ng Pangulo at kapag nawala ang tiwalang to, natural lamang na mawawala siya sa puwesto.
Sinabi ni Sotto na nais ng Pangulo na makita ni Robredo ang lawak ng problema sa illegal drugs pero hindi nito sinunod ang mga job description sa kaniyang trabaho.
Itinulad pa ni Sotto sa larong basketball ang kaso ni Robredo na ang Pangulo bilang coach ang may prerogative kung sino ang ipapasok o tatanggalin para manalo.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na nawalan siya ng tiwala kay Robredo matapos ang ginawang pakikipagpulong sa United Nations Office on Drugs and Crime at US Embassy officials para talakayin ang drug problem ng Pilipinas.
Ulat ni Meanne Corvera