Tokyo Olympic test event, ipinagpaliban dahil sa virus restrictions
TOKYO, Japan (Agence France-Presse) – Ipinagpaliban ang unang Tokyo Olympics test event ng 2021, dahil sa travel restrictions sa ilalim ng coronavirus state of emergency ng Japan.
Ito ang kinumpirma ng organisers.
Ang artistic swimming event ay magiging final qualifier na rin sa swimming sa Tokyo Games. Nakatakda sana itong ganapin sa March 4-7 sa Tokyo, subali’t ipinagpaliban ng dalawang buwan.
Ayon sa Tokyo 2020 organisers, ang desisyon na i-delay ay bunsod ng ilang kadahilanan gaya ng nagpapatuloy na entry restrictions sa Japan.
Ang qualifier ay ni-reschedule sa May 1-4 sa Tokyo Aquatics Centre.
Matutuloy naman gaya ng naka-plano, ang iba pang qualifying events sa Japan, kabilang na ang Diving World Cup sa Abril at ang marathon swimming sa Mayo.
Ang border ng Japan ay kasalukuyang sarado sa halos lahat ng mga dayuhan, dahil ang Tokyo at iba pang bahagi ng Japan ay nasa ilalim ng state of emergency na maaaring tumagal hanggang sa Pebrero 7.
Ang mga atletang magtutungo sa Japan para paghandaan ang Olympic Games, ay hindi kasama sa entry ban pero ang naturang pribilehiyo ay binawi ng gobyerno ng Japan, sa mga unang bahagi ng buwang kasalukuyan.
Ang artistic swimming event sana ang magiging unang test event na gaganapin, sa ilalim ng anti-virus measures.
Noong Disyembre ng nakalipas na taon ay ipinakita ng Tokyo 2020 chiefs, ang isang 53-pahinang anti-virus rulebook na anila’y magpapahintulot sa Tokyo Games na maisagawa ng ligtas kahit walang bakuna, at hindi pa nakokontrol ang pandemya.
Gayunman, mahina ang suportang ibinibigay ng mga mamamayan ng Japan sa Olympics, kung saan 80 porsyento sa kanila ang nais na muli itong ipagpaliban o kaya naman ay tuluyan nang kanselahin.
Liza Flores