Tone toneladang nasayang na pagkain pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Senator Nancy Binay ang report ng Department of Science and Technology (DOST) na tone-toneladang pagkain ang nasasayang sa bansa.
Sa inihaing Senate Resolution 555, tinukoy ni Binay ang datos ng DOST noong 2019 na nagsabing umabot sa 930 milyong tonelada ng pagkain ang nasayang.
Ayon sa DOST – Food and Nutrition Research Institute, pinakamarami sa naaksayang pagkain ay kanin, sinundan ng karne, isda, poultry at gulay.
Batay naman aniya sa 2018-2019 Expanded National Nutrition Survey lumitaw na sa loob ng isang araw, 76 gramo ang average sa bawat pinggan ng pagkain ng bawat pamilyang pilipino ang nasasayang.
Ayon kay Binay, nakaka-alarma ang sitwasyong ito dahil batay sa survey ng Social Weather Station sa huling tatlong buwan ng 2022 , umaabot 11.8% o katumbas ng tatlong milyong pinoy ang nakakaranas ng gutom.
Kailangan aniyang bumalangkas ang Kongreso ng mga patakaran para solusyunan ang problemang ito dahil maraming pamilya rin ang nagugutom.
Meanne Corvera