Tourism industry sa PH, patuloy na umaangat; 4.8-M foreign tourist, target nitong 2023
Patuloy na tumataas ang bilang ng mga foreign tourist na bumibisita sa bansa.
Sa datos mula Enero hanggang Mayo nitong taon, nakapagtala na ng higit 2 milyon ng mga dayuhang turista ang bumisita sa bansa.
Ikinatuwa naman ito ng Department of Tourism ( DOT ) at nais nitong malampasan pa ang foreign tourist arrivals kung saan target nito ang 4.8 milyong turista sa pagtatapos nitong taon.
Sa Grand Launching ng TraveL SaLe Expo 2023, sinabi ng Chairperson nito na si Michelle Taylan, layunin ng event na mas umangat pa ang turismo at mas makilala pa ang Pilipinas bilang isang tourist destination na bansa .
Ayon pa kay Taylan, nais niyang ibalik ang dami ng negosyo sa turismo mula nang pre-pandemic at mahigitan pa ito.
Dagdag pa nito na ang nasabing TraveL SaLe Expo ay maraming iniaalok na travel services tulad ng travel fares at tour packages na maaaring ma-avail ng mga nais maglakbay.
Ito ay upang matulungan aniya ang traveling public at makahikayat pa ng maraming turista na mag-travel sa iba’t-ibang tourist destinations.